Nakakita ng kaibigan ang makatang taga Inglatera na si William Cowper (1731-1800) sa katauhan ng pastor niyang si John Newton (1725-1807) na dating nagbebenta ng mga alipin. Matindi ang kalungkutan at pagkabalisa ni Cowper noon at ilang beses siyang nagtangkang magpakamatay. Binibisita siya ni Newton at sabay silang naglalakad habang nag-uusap tungkol sa Dios. Naisip ni Newton na makakabuti sa kaibigan ang mapanglikhang gawain at magkakaroon ito ng dahilan para sumulat ng mga tula kaya naisipan niyang tipunin sa isang aklat ang mga awit nila sa simbahan. Maraming naiambag na awit si Cowper, isa rito ang “Mahiwaga ang mga Pamamaraan ng Dios.” Kahit noong sa ibang simbahan na nagpapastor si Newton, nanatili pa rin silang magkaibigan at nagsusulatan.

Naaalala ko sa kanila ang pagkakaibigan nina David at Jonatan na nakatala sa Lumang Tipan. Naging magkaibigan sila pagkatapos talunin ni David ang higanteng si Goliat at “ang kalooban ni Jonatan na anak ni Saul ay napalapit kay David. Napamahal si David kay Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa kanyang sarili” (1 Samuel 18:1). Kahit anak siya ni Haring Saul, pinagtanggol niya si David laban sa galit at selos ng ama, at tinanong bakit kailangang ipapatay si David. Bilang tugon ni Haring Saul, “sinibat niya si Jonatan” (20:33). Iniwasan ni Jonatan ang sibat at umalis na masama ang loob dahil sa pagtrato ng ama sa kaibigan (Tal. 34).

Nakakapagbigay-buhay ang samahan ng mga magkakaibigang ito dahil pinapalakas nila ang loob ng isa’t isa na maglingkod sa Dios. Ikaw, paano mo mapapalakas ang loob ng isang kaibigan ngayon?