Sa pelikulang Fiddler on the Roof, kinausap nang masinsinan ni Tevye ang Dios tungkol sa pananalapi Niya: “Gumawa Ka ng maraming-maraming mahihirap na tao. Siyempre alam kong hindi nakakahiya ang maging mahirap. Pero hindi rin malaking karangalan! Kaya ano po ba ang magiging gulo kung may yaman ako!... Magiging sagabal ba sa plano Mong walang hanggan kung naging mayaman ako?”

Maraming siglo bago inilagay ng may-akdang si Sholem Aleichem ang taus-pusong salitang ito sa bibig ni Tevye, may taus- pusong panalangin din si Agur sa Kawikaan – pero may kaibahan. Hiniling ni Agur sa Dios hindi ang kahirapan o kayamanan—kundi ang kanya lang na pangangailangan sa araw-araw (KAWIKAAN 30:8). Alam niyang puwede siyang maging mayabang. “Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na Kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako’y matutong magnakaw, at pangalan Mo’y malapastangan” (TAL. 9). Kinilala ni Agur ang Dios bilang nag-iisang tagapagtustos niya, at hiniling nito sa Kanya ang “sapat lang” para tustusan ang araw-araw na pangangailangan. Kita sa panalangin ni Agur ang paghabol sa Dios at sa kasiyahang sa Dios lang matatagpuan.

Nawa magkaroon din tayo ng ugaling ito ni Agur, kinikilala ang Dios bilang tagapagtustos ng lahat ng may roon tayo. At sa pagsubok nating pangasiwaan ang lahat ng bigay ng Dios sa paraang ikinararangal Siya, mamuhay sana tayong may kasiyahan sa Dios, na Siyang hindi lang sakto ang ibinibigay kundi higit pa sa sapat.