Nakakita ako ng nativity set o Belen sa sira-sirang karton sa isang ukay-ukay. Hinawakan ko ang sanggol na Jesus at napansin ko ang magaling na pagkakaukit sa detalye ng katawan nito. Hindi nakapikit at balot ng kumot ang gising na sanggol, nakaunat ang braso, bukas ang kamay at kita ang buong daliri. Tila sinasabing, “Nandito ako!”

Nilalarawan ng imaheng ito ang himala ng Pasko—ipinadala ng Dios ang Kanyang Anak na nagkatawang-tao. Nang lumalaki na ang katawan ni Jesus, naglaro ng laruan ang maliliit Niyang kamay; kinalaunan humawak ng Torah (Aklat ng mga Israelita na naglalaman ng unang limang aklat ni Moises), at gumawa ng mesa at upuan bago nagsimula ng Kanyang ministeryo. Ang mga paang malambot at perpekto noong ipinanganak, lumaki at dinala Siya sa iba’t-ibang lugar para magturo at manggamot. Sa dulo ng buhay ni Jesus, tutusukin ng pako ang kamay at paa para panatilihin ang katawan sa krus.

“Sa katawang iyon ipinahayag ng Dios ang pagtatapos ng kontrol sa atin ng kasalanan sa pamamagitan ng pagbigay sa Kanyang Anak bilang sakripisyo para sa ating mga kasalanan” (ROMA 8:3). Kapag tinanggap natin ang sakripisyo ni Jesus bilang bayad sa lahat ng ating pagkakasala at magtitiwala sa Kanya, maliligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Dahil isinilang ang Anak ng Dios na totoong gumagalaw at sumisipang sanggol, may paraan para makipag-ayos sa Dios at makasigurong makakapiling Siya habambuhay.