Bihasa sa pang-iinsulto si William Shakespeare, isang “katangiang” pinakinabangan ng aktor na si Barry Kraft sa libro niyang naglalaman ng mga insultong hango sa mga dula ni Shakespeare, ang Shakespeare Insult Generator.
Katuwaan lang ang masayang libro ni Kraft. Pero may dating hari ang Moab na sinubukang magbayad ng misteryosong propeta hindi lang para insultuhin ang mga Israelita kundi para isumpa sila. Sabi ni Haring Balac sa Propetang si Balaam, “Magpunta ka agad dito at sumpain mo sila” (BILANG 22:6). Pero nagalit ang hari dahil sa halip na isumpa, paulit-ulit niyang binasbasan ang mga ito (24:10). Isa ang propesiyang ito sa mga basbas: “Mayroon akong nakikita ngunit hindi pa ngayon magaganap, nakikita ko ngayon ang mangyayari sa hinaharap” (24:17). Malinaw na wala pa sa eksena ang tinutukoy ng propeta. Sino ito? May palatandaan sa susunod na linya. “Mula sa lahi ni Jacob ay lilitaw ang isang bituin, sa lahi ni Israel ay may maghahari rin” (TAL. 17). Makalipas ang maraming taon, gagabayan ng “bituin” ang mga pantas tungo sa batang ipinangako (MATEO 2:1-2).
Isang sinaunang propetang taga Mesopotamia na walang kaalam-alam tungkol kay Jesus ang nagturo sa mundo sa tanda sa hinaharap na nagpapahayag ng pagdating Niya. Mula sa hindi inaasahang pinagmulan – hindi pagsumpa, kundi pagbasbas.