Pambihirang ibon ang Clark’s Nutcracker. Pinaghahandaan nito ang taglamig taun-taon sa pamamagitan ng pag-iipon ng maliit na pinagsama-samang apat o limang buto ng whitebark pine, hangang sa limang daang buto kada oras. Paglipas ng ilang buwan, babalik ito para kunin ang mga itinagong buto, kahit sa ilalim ng makapal na snow. Natatandaan ng Clark’s Nutcracker kahit sampung libong pinagtaguan – isang nakakagulat at kahanga-hangang bagay lalo na kung isasaalang-alang na tayong mga tao na hirap matandaan kung saan natin nilagay ang susi o salamin.

Ngunit hindi maihahalintulad ang galing ng ibong ito sa galing ng Dios sa pag-alala sa mga dasal natin. Kayang-kaya ng Dios tandaan at tugunan ang bawat taos-pusong dasal kahit taon na ang nakalipas. Sa Aklat ng Pahayag, inilarawan ni Apostol Juan ang “apat na buhay na nilalang” at ang “dalawampu’t apat na matatandang pinuno” na sumasamba sa Panginoon sa langit. “Bawat isa’y may hawak na alpa at may gintong mangkok na puno ng insenso na siyang mga panalangin ng mga hinirang ng Dios” (5:8).

Mahalaga ang insenso noong sinaunang panahon. Mahalaga rin sa Dios ang mga dasal natin kaya nasa tabi Niya lagi at iniingatan sa gintong mangkok! Mahalaga ang mga dasal natin dahil mahalaga tayo sa Dios. Dahil sa kabutihan Niya sa atin kay Jesus, puwede tayong lumapit kahit anong oras (MGA HEBREO 4:14-16). Kaya magdasal nang buong tapang! At tandaan na walang panalangin ang malilimutan o mawawaglit dahil sa dakilang pag-ibig ng Dios.