Sinusundan ng batang nanay ang anak na babaeng pinepedal ang munting bisikleta sa abot ng makakaya ng maliliit na binti. Ngunit sumobra ang bilis at bumalibag ang bata. Umiyak siya dahil masakit ang kanyang bukong-bukong. Tahimik na lumuhod ang nanay, yumuko nang mababa, at hinalikan ang bukong-bukong “para mawala ang sakit.” Epektibo! Tumayo ang batang babae, sumampa sa bisikleta, at nagpedal na ulit. Sana lahat ng sakit ganoon kabilis maalis!

Taimtim na naranasan ni Apostol Pablo ang kaginhawahan ng Dios sa kanyang patuloy na paghihirap kaya’t nagpatuloy pa rin siya. Nakatala sa 2 Corinto 11:23-29 ang ilan sa mga paghihirap niya: hinagupit, binato, malimit na napupuyat, matinding gutom at uhaw, pagpasan sa mga alalahanin ng mga simbahan. Naging malalim ang pagkakakilala niya sa “Ama ng kahabagan at Dios na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan” (2 CORINTO 1:3) o sa ibang salin, “Ama na malambing at maibigin”. Tulad ng inang pinapawi ang hapdi ng anak, yumuyuko rin nang mababa ang Dios para alagaan tayo sa mga kirot at paghihirap natin.

Marami at iba-iba ang pamamaraan ng Dios sa pag-aaruga sa atin. Minsan, nagbibigay ng talata sa Biblia na hinihikayat tayong magpatuloy, o maaaring may magpadala sa atin ng mensahe, o udyukan ang kaibigang tawagan tayo para palakasin ang ating loob. Kahit na hindi agad mawala ang mga paghihirap, tinutulungan naman tayo ng Dios upang magawa nating tumayo at magpatuloy.