Tila alam ng isang matandang balyena (orca whale na tinatawag na Granny (lola) ng mga mananaliksik) ang kahalagahan ng tungkulin niya sa buhay ng kanyang “apong balyena.” Namatay kamakailan lang ang ina ng batang balyena na naulila nang masyadong maaga. Hindi pa kayang mabuhay ng naulilang balyena na wala ang proteksyon at suporta ng ina. Kahit na mahigit walungpung taon na, umalalay si lola para turuan ito kung paano mabuhay. Humuli ng mga isda si lola pero imbes na kainin niya ang mga ito, ibinigay niya ito sa apo para matuto rin ito kung ano ang dapat kainin at saan makakahanap ng salmon na kailangan niya para mabuhay.
Mayroon rin tayong natatanging karangalan at galak na ipasa sa iba ang nalalaman natin. Maaari nating ibahagi ang kahanga- hangang kilos at katangian ng Dios sa mga susunod sa atin. Hiniling sa Dios ng tumatandang salmista, “Hayaan mong ihayag ko ang lakas Mong tinataglay” sa susunod na henerasyon (SALMO 71:18). Taimtim niyang nais na maibahagi sa iba ang matuwid na gawa at mapagligtas na kilos ng Dios na dakila na kailangan natin para sa ating paglago (TAL. 15).
Kahit wala pa tayong puting buhok na simbolo ng katandaan (TAL. 18), makakatulong sa paglalakbay ng iba kasama ang Dios ang pagpapahayag natin kung paano natin naranasan ang pag-ibig at katapatan ng Dios. Maaaring ang patotoo natin ang kailangan ng taong iyon para mabuhay siya nang matiwasay kay Cristo kahit sa panahon ng paghihirap (TAL. 20).