Bisperas ng Pasko 1968, kauna-unahang nakapasok sa daangtala ng buwan ang mga astronaut ng Apollo 8 – sina Frank Borman, Jim Lovell, at Bill Anders. Nagsahimpapawid sila para ibahagi ang mga imahe ng buwan at Mundo habang sampung beses iniikutan ang buwan at isa-isa silang nagbasa ng Genesis 1. Sinabi ni Borman sa ika-apatnapung taong anibersaryo, “Sinabihan kaming sa bisperas ng Pasko magkakaroon kami ng pinakamaraming tagapakinig na nakinig sa boses ng tao. Ang tagubilin lang sa amin ng NASA, gawin kung ano ang nararapat.” Hanggang ngayon, patuloy pa ring nagtatanim ng katotohanan ang mga talatang binasa nila sa nakikinig na puso ng mga taong nakakapakinig ng makasaysayang pagsasahimpapawid.
Sa pamamagitan ni Propetang Isaias, sinabi ng Dios, “Makinig kayo at lumapit sa Akin. Sundin ninyo Ako at magkakaroon kayo ng buhay” (ISAIAS 55:3). Inihayag Niya ang libreng alok na kaligtasan at paanyaya sa ating talikuran ang kasalanan at tanggapin ang awa at kapatawaran Niya (6-7). Inihayag ding masyadong malawak para maintindihan ng tao ang banal na kapangyarihan ng mga salita at kilos Niya (8-9). Kahit ganoon, binibigyan pa rin tayo ng pagkakataong ibahagi ang Kanyang Salitang nakakapagbago ng buhay, nagtuturo sa atin kay Jesus, at pinagtitibay na Siya ang responsable sa pagiging ganap sa espiritu ng mga nagtitiwala sa Kanya (10-13). Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu na ibahagi ang Mabuting Balita habang tinutupad ng Ama ang mga pangako Niya ayon sa plano at panahon Niya.