Nakabighani na sa mga tao ang mga kuwento simula pa sa pagbubukang liwayway ng paglikha – nagsisilbi itong paraan ng pagpasa ng kaalaman bago pa nagkaroon ng nakasulat na wika. Alam natin ang kasiyahan ng makarinig o magbasa ng kuwento at naaakit na kahit sa pambungad na linya pa lang, “Noong unang panahon.” Hindi lang simpleng kasiyahan ang dulot ng kuwento: Kapag sama-sama tayong nakikinig, tila nagsasabay- sabay ang mga pintig ng puso natin! Bagamat iba iba ang pintig ng mga puso natin sa buong araw, at hindi sadyang nagkakapareho lang sa iba minsan, ayon sa mga bagong pagsusuri, maaaring magkasabay-sabay ang pintig ng mga puso kapag sabay-sabay na nakikinig sa isang kuwento.

Sinimulan ng Dios na ikuwento sa atin ang kuwento Niya gamit ang “nang pasimula” (GENESIS 1:1). Nang magsimulang huminga sina Adan at Eba (TAL. 27), hinubog ng Dios, gamit ang paglalahad ng kuwento nila, hindi lang ang sarili nating buhay, kundi pati— at marahil mas mahalaga—ang sama-sama nating buhay bilang Kanyang mga anak. Gamit ang Biblia—ang pinakakahanga-hangang kuwentong hindi kathang-isip—naipagsasama-sama ang mga puso ng mga sumasampalataya kay Jesus bilang mga taong hinirang para sa Kanyang layunin (1 PEDRO 2:9).

Bilang tugon, nawa maging isa ang tibok ng mga puso natin, nagagalak sa mga malilikhaing gawa ng May-akda. At ibahagi natin ang kuwento Niya –“kahit saa’y ipahayag na si Yahweh ay dakila, sa madla ay ipahayag ang dakila Niyang gawa” (SALMO 96:3) – para imbitahan silang maging kabahagi rin nito.