Minsan, may iniligtas na tupa ang mga animal rescuer sa bansang Australia. Siya si Baarack. Nanghihina si Baarack dahil sa mabigat na balahibo nitong humigit sa 35 kilo. Ayon sa mga nagligtas kay Baarack, maaaring limang taon na itong nawawala at nakalimutan na ng may-ari nito. Pinagupitan nila ang tupa upang mawala ang nagpapabigat sa kanya. Pagkatapos, kumain si Baarack at muling lumakas. Kasama na ngayon ni Baarack ang ibang mga hayop na mga iniligtas din sa mahirap nilang sitwasyon.

Nauunawaan naman ni Haring David ang bigat ng paghihirap ng mga dumaranas ng matinding pagsubok, at ng mga pinabayaan at nakalimutan na. Alam niya ang pakiramdam ng isang taong lubos na nangangailangan ng tulong. Sa Salmo 38 na isinulat ni David, mababasa natin ang pagsusumamo niya sa Dios. Sinabi rin ni David ang kanyang mga naranasan na kawalan ng pag-asa, pagtataksil, at pag-iwan ng mga mahal sa buhay (ᴛᴀʟ. 11-14). Gayon pa man, buong pagtitiwala siyang nanalangin sa Dios: “Naghihintay pa rin ako sa Inyo, Panginoon. Kayo, Panginoon na aking Dios, sasagutin Nʼyo ako” (ᴛᴀʟ. 15). Hindi itinago ni David ang kanyang mga kahinaan at sakit na naramdaman (ᴛᴀʟ. 16-20). Sa halip, lubos siyang nagtiwala sa Dios na tutugunin ang kanyang dalangin sa tamang oras at sitwasyon (ᴛᴀʟ. 21-22).

Sa tuwing nakakaranas tayo ng kawalan ng pag-asa dahil sa malubhang karamdaman, mabigat na problema, at pagkabigo, alalahanin natin na handa tayong tulungan at iligtas ng Dios. Makakaasa tayo sa Dios na tutulong Siya sa pagharap natin sa mga pagsubok. Dumalangin tayo tulad ni David: “Panginoon kong Tagapagligtas, agad Nʼyo po akong tulungan” (ᴛᴀʟ. 22).