May isang uri ng ibon na mahilig maghukay sa tabing ilog upang gumawa ng kanilang pugad. Kilala ang ibong ito sa tawag na sand martin. Dahil sa patuloy na pag-unlad sa Southeast England, kakaunti na lang ang lugar kung saan maaaring magpugad ang mga sand martin. Kaya naman, gumawa ang ilang mga grupong nangangalaga sa kalikasan ng isang lugar kung saan maaaring magpugad at manirahan ang mga sand martin.
Ang inihandang tirahan para sa mga ibon ay isang magandang larawan kung paano pinalakas ni Jesus ang loob ng mga alagad Niya. Ipinaalam noon ni Jesus sa Kanyang mga alagad na aalis na Siya at pansamantalang hindi sila makakasama sa Kanyang pupuntahan (ᴊᴜᴀɴ 13:36). Kaya naman, nalungkot ang mga alagad sa tagpong iyon. Para palakasin ang loob nila, sinabi at ipinangako ni Jesus na ipaghahanda Niya ang mga alagad ng kanilang titirhan sa langit (14:2). Hinikayat din ni Jesus tayong mga nagtitiwala sa Kanya na tingnan natin ang pangakong ito at ang Kanyang ginagawang paghahanda para sa atin.
Alalahanin din naman nating kung hindi inialay ni Jesus ang Kanyang buhay sa krus, walang sinuman ang makakapasok sa maraming silid na inihanda ni Jesus sa langit (ᴛᴀʟ. 2). Habang inihahanda ni Jesus ang isang lugar sa langit, tinitiyak naman Niya sa ating muli Siyang babalik para sunduin ang mga nagtitiwala sa Kanya. At walang hanggang makakasama ng Dios sa tirahang inihanda Niya ang mga magtitiwala sa Kanya.