Kamakailan, mayroon akong nakamamanghang nadiskubre. May sinundan kasi akong maputik na daan sa isang kakahuyang malapit sa aming bahay. Natagpuan ko roon ang isang palaruan. May hagdanan itong gawa sa mga tuyong sanga. Mayroon ding duyan doon. Gawa sa lumang kahoy ang upuan nito at nakatali ang lubid sa sanga ng puno. Nakamamangha ang pagkakalikha sa palaruang iyon. Nakagawa ng isang bagong bagay mula sa mga lumang kahoy at lubid.
Naniniwala naman ang doktor na si Paul Tournier na bilang mga nilikha ayon sa wangis ng Dios, may pagnanais tayong gumawa ng mga bagong bagay (ɢᴇɴᴇꜱɪꜱ 1:26-27). Nilikha rin tayo ng Dios na may kakayahang magpasya na gumawa ng masama at mabuti (3:5-6). Naipahiwatig din ang pagnanais na ito sa utos ng Dios na, “Magpakarami kayo para mangalat ang mga lahi ninyo at mamahala sa buong mundo” (1:28). Kaya naman, may pagnanais tayong subukang gawin ang mga bagong bagay. Nag-iimbento tayo ng mga bagong bagay at nakikipag-sapalaran upang magawa ang mga ninanais natin. Maaaring maliit o malaki ang ating ginagawa, pero magiging mainam ang mga ito kung marami ang makikinabang. Naniniwala naman akong maraming napasaya at nakinabang sa palaruang iyon na natagpuan ko.
Nakapagbibigay ng kakaibang saya ang mga bagong bagay na ating nagagawa. Maging ang mga bagong pamamaraan kung paano natin maipapahayag ang Magandang Balita o kaya’y maisasaayos ang isang relasyong unti-unti nang nasisira. Mayroon ka bang bagong proyekto o ginagawa ngayon? Maaaring inihahanda ka ng Dios sa isang bagong hamon sa iyong buhay.