Nakulong si Luis Rodriguez sa edad na labing-anim dahil sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Nang makalaya siya, muli na naman siyang inaresto at nakulong sa salang pagpatay. Pinatawan siya ng habang buhay na pagkabilanggo. Gayon pa man, kumilos ang Dios sa buhay ni Luis. Naalala ni Luis ang panahong isinasama siya ng kanyang ina sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus. Naramdaman ni Luis ang pagkilos ng Dios sa kanyang puso. Pinagsisihan ni Luis ang mga nagawang kasalanan at sumampalataya siya sa Panginoong Jesus.

Mababasa naman natin sa Aklat ng mga Gawa ang tungkol sa pagbabago ng buhay ni Saulo na kilala rin bilang si Apostol Pablo. Pinagmamalupitan noon ni Saulo ang mga mananampalataya at ipinapapatay pa ang mga ito (ɢᴀᴡᴀ 9:1). May mga ebidensya na isa siya sa nagpapatay kay Esteban na lingkod ng Panginoong Jesus (7:58). Pero kumilos ang Dios sa buhay ni Saulo. Kaya sa isang daan patungo sa Damasco, sinalubong si Saulo ng isang nakakabulag na liwanag at sinabi sa kanya ni Jesus, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” (9:4). Nagtanong naman si Saulo, “Sino kayo, Panginoon?” (ᴛᴀʟ. 5). Nagtiwala si Saulo sa Panginoong Jesus at ito ang simula ng malaking pagbabago sa kanyang buhay.

Malaki rin ang pagbabago sa buhay ni Luis. Kaya binigyan siya ng pagkakataong makalaya. Mula noon, naglingkod si Luis sa Dios at inilaan ang kanyang buhay sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga bilangguan.

Tunay na maaasahan ang Dios sa Kanyang pagliligtas sa mahihirap na sitwasyon ng ating buhay. Nais din ng Dios na magkaroon ng pagbabago sa ating buhay. Kaya naman, ito na ang tamang oras upang humingi ng kapatawaran at magtiwala sa Panginoong Jesus.