Minsan, nagdiwang ang koponan ng baseball na Little League kung saan kabilang ang aking anak at isa sa Coach ang aking asawa. Ginawa ng aking asawa ang pagdiriwang upang purihin ang mga bata sa mahusay nilang paglalaro sa buong taon. Isa sa mga pinakabatang manlalaro doon ay si Dustin. Lumapit siya sa akin at nagtanong, “Hindi po ba natalo tayo sa laro natin ngayong araw?” Sinabi ko naman sa kanyang natalo man, lubos namin silang ipinagmamalaki. Muli siyang nagsalita, “Alam ko pong natalo tayo, pero pakiramdam ko, nanalo ako.”
Iniisip ni Dustin na ang pagkatalo sa isang laro ay dahil sa kakulangan ng kanyang kakayahan kahit ginawa pa niya ang lahat ng kanyang makakaya. Bilang mga nagtitiwala naman sa Panginoong Jesus, hindi lamang sa larangan ng palakasan ang mga hamon sa buhay na ito. Kaya magandang pagbulayang hindi tayo talunan kahit humaharap tayo sa mga pagsubok.
Sumasang-ayon naman si Apostol Pablo na may kaugnayan ang mga nararanasan nating pagdurusa sa kasalukuyan at ang kaluwalhatiang mapapasaatin bilang mga anak ng Dios. Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay upang ang sinumang magtitiwala sa Kanya ay magbabago nang ayon sa Kanyang nais (ʀᴏᴍᴀ 8:31-32). Kaya kahit nakakaranas tayo ng mga pagsubok sa buhay at pagmamalupit ng iba, tutulungan tayo ng Dios na maging matatag at mapagtagumpayan ito (ᴛᴀʟ. 33-34).
May pagkakataon namang pinanghihinaan tayo ng loob dahil sa mga pagsubok. Pero gayon pa man, sa tulong ng Dios, tiyak ang ating katagumpayan (ᴛᴀʟ. 35-39).