Biglang tumahimik ang lahat habang ikinukuwento ng lider ng book club ang buod ng isang aklat na kanilang binasa. Nakikinig nang mabuti ang kaibigan kong si Joan pero hindi niya ito maunawaan. Hanggang sa napagtanto niyang mali pala ang nabasa niyang aklat. Kaya naman, kahit masaya niyang binasa ang aklat, hindi naman siya makasali sa usapan dahil iba ang aklat na binasa ng buong grupo.
Nais naman ni Apostol Pablo na hindi malito o maloko ang mga nagtitiwala kay Jesus sa Corinto tungkol sa katotohanan tungkol sa Panginoong Jesus. Ipinahayag ni Pablo sa kanyang sulat na may mga bulaang guro ang nagtuturo ng mali tungkol sa Panginoong Jesus at tinanggap ng iba sa kanila ang maling katuruan na iyon (2 ᴄᴏʀ. 11:3-4).
Tinuligsa ni Pablo ang mga huwad na gurong ito. Sa unang liham ni Pablo sa mga taga Corinto, muli niyang ipinahayag ang tungkol sa Panginoong Jesus ayon sa Salita ng Dios. Sinabi ni Pablo na si Jesus ang Haring Hinirang ng Dios na nag-alay ng Kanyang buhay para iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan, nabuhay sa ikatlong araw, at nagpakita sa labindalawang alagad Niya (1 ᴄᴏʀɪɴᴛᴏ 15:3-8). Sinabi pa ni Pablo na si Jesus ang Dios na pumarito sa mundo. Ipinanganak ng isang birhen na si Maria at pinangalanang Immanuel (na ang ibig sabihin ay kasama natin ang Dios) upang patotohanan ang pagiging Dios mismo ni Jesus (ᴍᴀᴛᴇᴏ 1:20-23). Ito ba ang Jesus na kilala mo? Unawain at pagtiwalaan ang Salita ng Dios na nagbibigay sa atin ng katiyakan na magkakaroon tayo ng maayos na relasyon sa Dios at makakasama Siya sa langit. Magtiwala tayo sa totoong Jesus.