Minsan, may pumuntang mahusay na pintor sa aming simbahan. Lumapit ako sa ipinipinta niyang larawan at nilagyan iyon ng itim na guhit. Nagulat ang buong kapulungan. Pero, bahagi iyon ng paglalarawan sa aking ipapahayag na mensahe ng Dios. Pinagmasdan ng pintor ang naging pagbabago sa kanyang obra. Pagkatapos ng ilang sandali, kumuha siya ng bagong pangguhit. Binago niyang muli ang nasirang larawan at lumikha ng isang magandang obra mula rito.
Tulad ng ginawa ng pintor, may ginagawang pagbabago ang Dios sa ating mga sirang buhay. Ipinahayag din ni Propeta Isaias sa mga Israelita ang pagkabulag at pagkabingi sa kanilang buhay espirituwal (ɪꜱᴀɪᴀꜱ 42:18-19). Pero gayon pa man, sinabi rin niyang ililigtas sila ng Dios sa ganoong kalagayan. Sinabi ng Dios, “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita” (43:1). Magagawa rin naman ito ng Dios sa atin. Mga makasalanan tayong binibigyan ng pagkakataon ng Dios na magsisi, humingi ng kapatawaran, at magtiwala kay Jesus. Sa gayon, patatawarin at ililigtas Niya tayo (ᴛᴀʟ. 5-7; TINGNAN ANG 1 ᴊᴜᴀɴ 1:9). Hindi natin kayang gawing maayos ang ating buhay na sinira ng kasalanan. Pero maaayos ito ni Jesus. Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay sa krus upang iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Ito ang Magandang Balita na Kanyang iniaalok sa atin. Sinabi naman sa Aklat ng Pahayag na tinitiyak sa atin ng Panginoong Jesus na papawiin Niya ang ating mga luha, at ililigtas at babaguhin Niya ang lahat ng bagay (ᴘᴀʜᴀʏᴀɢ 21:4-5).
Limitado lamang tayo sa ating pagkaalam sa mangyayari sa ating buhay. Pero sa Dios, alam Niya ang lahat ng nangyayari sa atin mula sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Alam ng Dios ang pangalan at buong pagkatao natin (ɪꜱᴀɪᴀꜱ 43:1). Kaya kung magtitiwala tayo kay Jesus, tulad ng nasira at muling nabagong obrang larawan, magiging bago at maganda rin ang ating buhay.