Nang magtiwala sa Panginoong Jesus ang mag-asawang sina Taher at Donya, alam nilang malalagay sa panganib ang kanilang buhay. Pinagmamalupitan kasi sa kanilang bansa ang mga nagtitiwala kay Jesus. At iyon nga ang nangyari. Ikinulong si Taher habang nakapiring ang mga mata at nakaposas ang mga kamay. Ngunit bago pa sila humarap sa ganitong pagmamalupit, nagkasundo na silang hindi nila itatakwil ang Panginoong Jesus anuman ang mangyari.
Labis naman ang pagkamangha ni Taher sa pangyayari habang nililitis siya. Sinabi kasi ng hukom, “Hindi ko alam kung bakit, pero gusto kitang iligtas sa bingit ng kamatayan.” Sa pagkakataong iyon, alam ni Taher na kumikilos ang Dios sa buhay ng hukom (TINGNAN ANG ᴊᴏɴᴀꜱ 2 AT ᴅᴀɴɪᴇʟ 6). Pinalaya si Taher mula sa bilangguan.
May pagkakatulad ang nangyari kay Taher sa buhay noon ni Propeta Daniel. Mahusay na tagapangasiwa si Daniel at nararapat na bigyan ng mataas na posisyon. Kaya kinainggitan siya ng kanyang mga kasama (ᴅᴀɴɪᴇʟ 6:3-5). Pinagplanuhan nila si Daniel ng masama at hinikayat si Haring Darius na magpatupad ng isang batas: sa hari lamang sasamba at mananalangin ang lahat ng kanyang nasasakupan. Hindi ito sinunod ni Daniel. Sa tunay na Dios lamang siya sumamba at nanalangin. Kaya nang mahuli si Daniel, walang magawa si Haring Darius kundi ipatapon siya sa kuweba ng mga leon (ᴛᴀʟ. 16). Pero iniligtas ng Dios si Daniel (ᴛᴀʟ. 27).
Maraming mga mananampalataya ang pinagmamalupitan dahil sa kanilang pagtitiwala kay Jesus. Sa pagharap natin sa ganitong pagsubok, maging pagkakataon nawa ito upang lalong tumatag ang ating pananampalataya. Magtiwala tayong lagi nating kasama ang Dios sa bawat pagsubok na ating kinahaharap.