Sinabi ng manunulat at dalubhasa na si Hannah Arendt (1906-1975) na maraming tao ang handang lumaban sa kapangyarihan ng mga mayayaman at tumanggi na lumuhod sa kanila. Pero iilan lang ang tunay na lumalaban. Iilan lang ang totoong tumatayong mag-isa na may buong paninindigan kahit walang armas. Bilang isang Israelita, nasaksihan ito mismo ni Hannah noong nasa Germany siya. Nakakapangilabot ang ginawang pagtanggi at pagmamalupit sa kanila ng bansang iyon.
Naranasan din naman ni Apostol Pablo ang ganoong klaseng pagtanggi at pagmamalupit mula mismo sa kaniyang kababayan. Nag-aral bilang Pariseo at guro si Pablo noon. Kaya pinagmalupitan niya ang mga nagtitiwala kay Jesus (ɢᴀᴡᴀ 9). Pero matapos niyang makausap si Jesus sa daan patungong Damasco, tinanggihan na siya ng kanyang mga kababayan. Sa kanyang ikalawang sulat para sa mga taga Corinto, ikinuwento ni Pablo ang pagmamalupit na kanyang naranasan tulad ng bugbugin at ikulong (6:5).
Pero sa halip na magalit at magtanim ng sama ng loob, hinikayat ni Pablo ang kanyang mga kababayan na magtiwala sa Panginoong Jesus. Sinabi ni Pablo, “Labis akong nalulungkot at nababalisa para sa aking mga kalahi at kababayang Judio. Kung maaari lang sana, ako na lang ang sumpain ng Dios at mahiwalay kay Cristo, maligtas lang sila” (ʀᴏᴍᴀ 9:2-3).
Tinatanggap ng Dios na maging bahagi ng Kanyang pamilya ang lahat ng magtitiwala sa Kanya. At bibigyan din Niya tayo ng kakayahan na ipahayag maging sa ating kaaway ang tungkol sa magandang relasyong iniaalok ng Dios.