Buong taimtim na nanalangin si Monica para sa pagbabalik- loob ng kanyang anak sa Dios. Tumatangis siya sa pagkaligaw ng landas nito. Tinutugis ang kanyang anak sa iba’t ibang mga lungsod kung saan ito nanirahan. Mukhang walang pag-asa ang sitwasyon. Ngunit isang araw, nagkaroon ng matinding karanasan ang kanyang anak sa pagkilos ng Dios. Pagkatapos nito, naging mahusay siya na dalubhasa sa Biblia at kilala natin ngayon bilang si Augustine na Obispo sa Hippo.

Sinabi naman ni Propeta Habakuk, “Gaano pa katagal, Panginoon?” (ʜᴀʙᴀᴋᴜᴋ 1:2). Tumatangis si Habakuk sa tila kawalan ng aksyon ng Dios sa mga tao na binabaluktot ang hustisya (ᴛᴀʟ. 4). Alalahanin naman natin ang mga pagkakataong lumapit tayo sa Dios dahil wala tayong nakikitang pag-asa. Maaaring dahil sa kawalang- katarungan, tila walang pag-asang laban sa malubhang sakit, patuloy na mga suliraning pinansyal, o mga anak na lumayo sa Dios.

Tuwing tumatangis si Habakuk, naririnig ng Dios ang kanyang mga pagsusumamo. Habang naghihintay tayo sa pagtugon ng Dios sa ating dalangin nang may pananampalataya, matututo tayong gawing pagpupuri ang ating mga hinaing gaya ng propeta. Sinabi ni Habakuk, “Magagalak ako sa Panginoon, magagalak ako sa Dios na aking Tagapagligtas” (3:18). Hindi niya nauunawaan ang mga pamamaraan ng Dios, ngunit nagtitiwala siya sa Kanya. Parehong akto ng pagtitiwala ang paghihinagpis at pagpupuri. Dumaraing tayo bilang panawagan sa Dios ayon sa Kanyang kagandahang- loob. At ang ating pagpupuri naman ay batay sa kung sino Siya— kamangha-mangha at makapangyarihang Dios. Nawa kahit na dumaranas tayo ng matitinding pagsubok at dumadaing ng tulong, tutungo pa rin ito sa pagpupuri sa kagandahang-loob ng Dios.