Tuwing Martes ng gabi, pumupunta si Pastor Sam sa liblib na lugar upang ibahagi ang Salita ng Dios sa isang malayong nayon. May dios-diosan ang mga tao roon.

Sa aklat naman ni Ezekiel, makikita natin kung paano laganap ang pagsamba sa dios-diosan sa mga taga Juda. Nang dumalaw ang mga pinuno ng Jerusalem sa propetang si Ezekiel, sinabi ng Dios sa kanya, “Anak ng tao, ang mga taong iyan ay nagmamahal sa mga dios-diosan” (ᴇᴢᴇᴋɪᴇʟ 14:3). Hindi lang tungkol sa mga rebultong gawa sa kahoy at bato ang babala ng Dios, kundi ipinakita Niya na problema ng puso ang pagsamba sa dios-diosan. Tayong lahat ay nakakaranas nito.

Ipinahayag ng tagapagturo ng Biblia na si Alistair Begg na maituturing na isang dios-diosan ang “anumang bagay na itinuturing nating higit na mahalaga kaysa sa Dios para sa ating kapayapaan, pagkakakilanlan, kasiyahan, o pagtanggap.” Maaari nating maging dios-diosan kahit ang mga bagay na tila marangal. Kapag humahanap tayo ng ginhawa o halaga sa kahit ano maliban sa makapangyarihang Dios, nagkakasala tayo at sumasamba sa dios-diosan.

Sinabi naman ng Dios, “Magsisi kayo at itakwil na ang mga dios- diosan ninyo at talikuran ang lahat ng kasuklam-suklam ninyong mga gawa” (ᴇᴢᴇᴋɪᴇʟ 14:6). Hindi ito nagawa ng bansang Israel. Mabuti na lamang at may solusyon ang Dios: ang pagdating ni Cristo at ang biyaya ng Banal na Espiritu. Ipinangako Niya, “Bibigyan Ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. At ang matitigas ninyong puso ay magiging pusong masunurin” (ᴇᴢᴇᴋɪᴇʟ 36:26). Hindi natin ito kayang gawin nang mag-isa.