“Alam ko kung ano ang sinasabi nila. Pero sinasabi ko sa'yo...“ Pauli-ulit kong naririnig ang linyang ito mula sa aking ina noong bata pa ako. Itinuturo niya sa akin na huwag lang umayon sa nais ng karamihan o peer pressure. Matanda na ako, pero nagagamit ko pa rin ang aral ni Nanay tungkol sa peer pressure. Halimbawa nito ang sikat na linyang, “Palibutan mo lang ang sarili mo ng mga positibong tao.” Bagama’t madalas itong marinig, dapat nating itanong: “Nakaayon ba ito sa kalooban ni Cristo?”
“Ngunit sinasabi Ko sa inyo...” Ginamit naman ni Jesus ang panimulang ito nang ilang beses sa Mateo 5. Alam na alam Niya kung ano ang sinasabi ng mundo sa atin. Ngunit nais Niya na mamuhay tayo nang naiiba. Sa pagkakataong ito, sinabi Niya, “Mahalin mo ang iyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa ’yo” (ᴛᴀʟ. 44). Sa mga sumunod na bahagi naman ng Bagong Tipan, ginamit ni Apostol Pablo ang parehong salita para ilarawan tayo na “mga kaaway ng Dios” (ʀᴏᴍᴀ 5:10). Hindi lang basta nag-utos si Jesus na, “Gawin mo ang sinasabi ko.” Sa halip, ipinakita Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Minahal Niya tayo, at inialay Niya ang Kanyang buhay para sa atin.
Paano kung naglaan lang si Cristo ng oras para sa mga “positibong tao”? Saan tayo pupulutin? Salamat na lamang at walang pinipiling tao ang pag-ibig ng Dios. Gayon na lamang ang pagmamahal ng Dios sa sanlibutan kaya naman hinihikayat Niya tayong magpakita rin ng pagmamahal sa iba.