Apatnapu’t limang taong nakasama ng makata, pintor, at manlilimbag na si William Blake ang kanyang asawa na si Catherine. Mula sa araw ng kanilang kasal hanggang sa kanyang kamatayan, magkatuwang sila. Si Catherine ang nagkukulay sa mga guhit ni William. Sa kabila ng mga taon ng kahirapan at iba pang mga pagsubok, naging matatag ang kanilang pagmamahalan. Kahit sa huling mga linggo ng kanyang buhay, patuloy na gumuhit si Blake. At ang mukha ng kanyang asawa ang huli niyang obra. Apat na taon matapos ang kanyang pagpanaw, namatay si Catherine habang mahigpit na hawak ang isa sa mga lapis ng kanyang asawa.
Makikita rin naman ang makulay na pagmamahalan ng mag- asawa sa aklat ng Awit ng Biblia. Bagama’t ang paglalarawan ng pag-ibig sa aklat na ito ay may kinalaman sa pag-aasawa, naniniwala ang mga unang mananampalatayang sumasalamin din ito sa hindi matitinag na pag-ibig ni Jesus para sa lahat ng mga nagtitiwala sa Kanya. Inilalarawan ng Awit ang pag-ibig na “kasing-tibay ng kamatayan,” isang tagpong hindi matatakasan ng tao (8:6). Ang ganitong pag-ibig ay “nag-aalab na parang apoy, parang makapangyarihang alab” (ᴛᴀʟ. 6). At hindi tulad ng mga karaniwang apoy, hindi mapapatay ang mga alab nito. Sinabi pa ng Awit, “Hindi mapapatay ng maraming tubig ang pag-ibig” (ᴛᴀʟ. 7).
Sino ba sa atin ang hindi naghahangad ng tunay na pag-ibig? Nagpapaalala sa atin ang Awit na sa anumang pagmamahal na ating nararanasan, ang Dios ang tunay na pinagmumulan nito. At kay Jesus, makakaranas ang bawat isa sa atin ng malalim at walang hanggang pag-ibig—isang pag-ibig na nag-aalab na parang apoy.