Lubos na naramdaman ni Biddy ang pagkilos at pagmamahal ng Dios, kahit masakit ang biglaang pagkamatay ng kanyang asawang si Oswald Chambers sa edad na 43 taong gulang. Sinabi ni Biddy, “Sa panahong iyon, parang mismong nasa tabi ko lamang ang Dios.”

Sa mga araw pagkatapos ng pagkamatay ng kanyang asawa, alam niyang ipinapaalala ng Dios ang mga talata sa Biblia sa kanyang isipan upang bigyan siya ng kaaliwan. Isa sa mga talatang nagbigay sa kanya ng kapayapaan at lakas ng loob ang sinabi sa Aklat ni Josue. “Sasamahan Kita gaya ng pagsama Ko kay Moises. Hindi kita iiwan o kayaʼy pababayaan. Magpakatatag ka at magpakatapang” (ᴊᴏꜱᴜᴇ 1:5–6). Nang muling basahin ni Biddy ang mga talatang ito matapos mamatay si Oswald, naisip niya kung gaano kahalaga ang mga salitang iyon. Lumakas ang loob niya sa panahon ng kanyang pagdadalamhati.

Ang Dios mismo ang nagsabi nito kay Josue nang mamatay si Moises, bago pumasok ang mga Israelita sa lupaing ipinangako ng Dios. Alam ng Dios na matindi ang haharapin ni Josue na mga pagsubok. Kaya naman, tiniyak ng Dios kay Josue na lagi siyang sasamahan ng Dios upang manatili siyang matatag at matapang sa pagharap sa mga pagsubok (ᴛᴀʟ. 7). Pinili ni Josue na sumunod sa Dios at sundin ang Kanyang mga utos, dahil nagtitiwala siya sa Kanya.

Anumang pagsubok ang ating kinahaharap, pagkawala man ng mahal sa buhay o mabigat na problema, makakaasa tayong hindi tayo pababayaan ng Dios. Mararamdaman natin ang Kanyang presensya at ang Kanyang mga salita upang aliwin at palakasin tayo, tulad ng ginawa Niya para kay Biddy Chambers.