“Tinatawag nila akong bossing ng mga singsing. Ngayong taon kasi, nakakahanap na ako ng 167 nawawalang singsing.” Sinabi iyan ng isang matandang lalaking may hawak na metal detector sa dalampasigan. Nakakuwentuhan namin siya ng asawa kong si Cari. Sinabi pa ng matanda, “Minsan, may mga pangalan ang mga singsing, at gustong-gusto kong makita ang mga mukha ng may-ari kapag naibabalik ko ito sa kanila. Nagpo-post ako online at tinitingnan kung may nawawalan ng singsing.” Nang nabanggit namin na mahilig din ako sa metal detecting, sagot niya, “Hindi mo malalaman hangga’t hindi mo sinusubukan.”
Sa Lucas 15 naman, makikita natin ang isang kakaibang uri ng paghahanap at pagsagip. Pinuna si Jesus dahil sa Kanyang malasakit sa mga taong malayo sa Dios (ᴛᴀʟ. 1–2). Bilang tugon, nagkuwento Siya ng tatlong parabula tungkol sa mga bagay na nawala at natagpuan—isang tupa, isang barya, at isang anak. Ang lalaking nakakita sa nawawalang tupa ay “masaya itong isinakay sa kanyang balikat at umuwi. Tinawag niya ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay at sinabi, ‘Magsaya kayo kasama ko’” (ʟᴜᴄᴀꜱ 15:5–6). Tungkol ang mga kuwentong ito sa paghahanap ni Jesus sa mga nawawalang tao, at ang kagalakang nadarama kapag natagpuan sila.
Naparito sa mundo si Jesus “upang hanapin at iligtas ang mga nawawala” (19:10), at hinihikayat Niya tayo na tularan Siya sa pagmamahal sa mga tao at pagbalik-loob nila sa Dios (TINGNAN ANG ᴍᴀᴛᴇᴏ 28:19). Maraming tao ang naghihintay sa kagalakang ibinibigay ni Jesus. Hindi natin malalaman hangga’t hindi natin sinusubukang ipadama ito sa iba.