Sa TV series noong 1960s na The Andy Griffith Show, sinabi ng isang lalaki kay Andy na dapat hayaan niya ang anak na si Opie na magdesisyon kung paano niya gustong mamuhay. Hindi sumang-ayon si Andy: “Hindi mo puwedeng hayaang magdesisyon ang isang bata para sa sarili niya. Madalas, makinang at nakabalot sa magagandang pananalita ang mga maling ideya. Kaya mahirap silang kumbinsihing may mas mabuting bagay sa hinaharap.” Tinapos niya ang pahayag sa pagsasabing mahalaga para sa mga magulang na ipakita ang tamang asal sa mga anak at tulungan na malayo sila sa tukso.

May kaugnayan ang mga sinabi ni Andy sa karunungan sa Kawikaan: “Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa kanyang pagtanda ay di niya ito lilimutin” (22:6). Bagama’t marami ang nagbabasa sa talatang ito bilang pangako, isa itong gabay. Personal ang pagdedesisyon para magtiwala kay Jesus. Pero puwede nating ilatag ang pundasyong nakaayon sa pagmamahal sa Dios at Kanyang Salita. Maaari rin tayong manalangin na habang lumalaki ang mga batang nasa ating pangangalaga, piliin nila si Cristo bilang Tagapagligtas at lumakad sa Kanyang mga daan at hindi sa “mga landas ng masama” (ᴛᴀʟ. 5).

Isa ring makapangyarihang patotoo ang ating sariling tagumpay laban sa makikinang na bagay ng mundo sa tulong ng Banal na Espiritu. Tutulungan din tayo ng Banal na Espiritu upang labanan ang tukso at hubugin ang ating mga buhay bilang mga huwarang dapat tularan.