Nagdiwang ng ika-80 anibersaryo ng kanilang kasal ang lolo at lola ng asawa ko na sina Pete at Ruth noong Mayo 31, 2021. Pinagtagpo sila ng pagkakataon noong 1941. Nasa high school pa lang noon si Ruth. Di kalaunan, nagpakasal na rin sila. Naniniwala sina Pete at Ruth na pinagtagpo sila ng Dios at Siya ang gumabay sa kanila sa maraming taon.

Sa pagbubulay sa walong dekada nilang pagsasama, parehong sumasang-ayon sina Pete at Ruth na isa sa susi sa pagpapanatili ng kanilang relasyon ay ang pagpapasyang piliin ang magpatawad. Maaaring hindi magandang pananalita, isang pangakong napako, o isang nakalimutang gawain ang madalas na nagiging dahilan ng awayan. Kaya lahat ng mga tumagal at tumatag ang relasyon ay nauunawaan ang kahalagahan ng pagpapatawad.

Binibigyang-diin naman ni Apostol Pablo ang kahalagahan ng pagpapatawad. Sumulat si Pablo sa mga taga Colosas upang matulungan ang mga sumasampalataya kay Jesus na mamuhay nang may pagkakaisa. Matapos hikayatin ang kanyang mga mambabasa na piliin ang magpakita ng “habag, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuan, at pagtitiyaga” (ᴄᴏʟᴏꜱᴀꜱ 3:12), idinagdag ni Pablo ang paalala na “magpatawad kayo sa isa’t isa kung ang sinuman sa inyo ay may hinanakit” (ᴛᴀʟ. 13). Higit sa lahat, dapat pinapatnubayan ng pagmamahal ang bawat pakikisalamuha nila sa isa’t isa (ᴛᴀʟ. 14).

Isang biyaya ang relasyong nagpapakita ng mga katangiang nabanggit ni Pablo. Nawa tulungan tayo ng Dios na magkaroon ng isang relasyong puno ng pagmamahal at pagpapatawad.