Dahil sa COVID-19, kinailangang dumaong ang mga malalaking barko at i-quarantine ang mga pasahero nito. Sa isang panayam sa mga pasahero, sinabi ng isa na dahil sa quarantine, nagkaroon sila ng kanyang asawa ng mas maraming oras para mag-usap. Nagbiro pa ito na naungkat ng kanyang asawa, na may napakagaling na memorya, ang bawat pagkakamaling nagawa niya—at tila hindi pa ito tapos!
Maaaring mapangiti tayo sa mga ganitong kuwento. Pero isa itong paalala o babala kung kakapit tayo sa mga hinanakit na dapat na nating bitawan. Ano nga ba ang makakatulong sa atin para magpakita ng kagandahang-loob sa mga nakasakit sa atin? Tingnan natin ang magagandang katangian ng Dios na binanggit sa Salmo 103:8–12.
Sinabi sa talatang 8-10, “Ang ᴘᴀɴɢɪɴᴏᴏɴ ay mahabagin at matulungin, hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal. Hindi Siya palaging nanunumbat, at hindi nananatiling galit. Hindi Niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan. Hindi Niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.”
Ang paghingi ng tulong sa Dios habang taimtim nating binabasa ang Kasulatan ay maaaring magpabago ng ating isip tungkol sa plano ng paghihiganti. Maaari rin tayong gabayan nito upang manalangin para sa ating sarili at sa mga tao na maaaring masaktan kung hindi tayo magbibigay ng biyaya, habag, at kapatawaran.