Naglalakad palabas ng mall si Brenda nang may makita siyang nakatawag ng kanyang pansin. Napatigil siya sa ganda ng damit na nakasabit. Naisip ni Brenda na tiyak na magugustuhan ito ni Holly. Alam niyang gipit ang kaibigan niyang si Holly na isang single mom. Alam din ni Brenda na kailangan iyon ni Holly, pero sigurado siyang hinding-hindi gagastos si Holly para sa sarili niya. Sandaling nag-alinlangan si Brenda. Pero sa huli, ngumiti siya, kinuha ang kanyang pitaka, at binili ang damit. Ipinadala niya ito sa bahay ni Holly. Naglagay din siya ng isang kard na walang pangalan at isinulat niya ang kanyang mensahe: “Mahalaga ka at minamahal.” Masayang-masaya si Brenda habang papunta sa kanyang kotse.
Ang Dios ang perpektong halimbawa ng pagbibigay nang may kagalakan. Iniutos naman ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto ang tungkol sa pagiging mapagbigay. Sinabi niya, “Ang bawat isa sa inyo ay magbigay nang ayon sa sariling kapasyahan, nang walang pag-aatubili, at hindi sapilitan, dahil mahal ng Dios ang mga nagbibigay nang may kagalakan” (2 ᴄᴏʀɪɴᴛᴏ 9:7). Idinagdag pa niya, “Ang naghahasik ng masagana ay mag-aani rin ng masagana” (ᴛᴀʟ. 6).
Minsan, nagbibigay tayo ng pera sa simbahan o nagbibigay ng donasyon sa isang kapaki-pakinabang na gawain. Pero may mga pagkakataon ding ginagabayan tayo ng Dios na tumugon sa pangangailangan ng isang kaibigan sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang pagmamahal—katulad ng pagbibigay ng isang bag ng grocery... o regalong damit.