Pitong minutong nangilabot ang grupo ng NASA matapos lumapag ang Perseverance, isang sasakyan ipinadala sa planetang Mars, noong Pebrero 18, 2021. Pitong minuto kasing wala silang nakukuhang signal mula sa Perseverance. Kumplikadong proseso ang ginawa nitong paglalakbay hanggang sa makalapag sa Mars. Nakakatakot para sa buong grupo ng NASA ang mawalan ng signal ang sasakyan dahil maraming oras at pera ang inilaan para sa misyong iyon.
Minsan, nakakaramdam din tayo ng takot kapag tila hindi tayo nakakarinig ng tugon mula sa Dios. Nananalangin tayo, ngunit walang agarang tugon. Sa Biblia, makikita natin ang iba’t ibang halimbawa ng pagtugon ng Dios. May mga natutugunan agad ang panalangin (TINGNAN ANG ᴅᴀɴɪᴇʟ 9:20–23), at mayroon namang matagal bago sumagot ang Dios (TULAD NG KUWENTO NI HANAH SA 1 ꜱᴀᴍᴜᴇʟ 1:10–20). Marahil nakakakilabot o nakakatakot na halimbawa ang kuwento nina Maria at Marta. Humingi sila ng tulong noon kay Jesus para sa kanilang kapatid na si Lazaro na may malubhang sakit (ᴊᴜᴀɴ 11:3). Hindi agad tumugon si Jesus, at namatay ang kanilang kapatid (ᴛᴀʟ. 6–7, 14–15). Makalipas ang apat na araw, sinagot ni Jesus ang kanilang panalangin at muling nabuhay si Lazaro (ᴛᴀʟ. 43–44).
Maaaring mahirap at nakakainip ang paghihintay sa sagot ng Dios sa ating mga dalangin. Pero aaliwin at tutulungan tayo ng Dios, “Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan” (ʜᴇʙʀᴇᴏ 4:16).