Noong Enero 15, 1919 sa bansang Amerika, isang malaking tangke na puno ng molasses o pulot ang sumabog. Isang labindalawang talampakan na alon ng mahigit dalawang milyong galon ng molasses ang rumagasa sa kalye. Naanod nito ang mga tren, gusali, tao, at mga hayop. Maaaring magmukhang hindi nakasasama ang molasses dahil matamis at masarap ito. Pero sa araw na iyon, 21 tao ang namatay at mahigit 150 ang nasugatan.
Minsan, maaaring maging masama para sa atin kahit ang mga mabubuting bagay tulad ng molasses. Bago naman pumasok ang mga Israelita sa lupang ipinangako ng Dios, pinayuhan sila ni Moises na huwag magmalaki sa mga magagandang bagay na kanilang matatamo. Sinabi ni Moises, “Kapag nakakain na kayo at nangabusog, at kapag nakapagpatayo na kayo ng maaayos na matitirhan, at dumami na ang inyong mga hayop, pilak, ginto at mga ari-arian, siguraduhin ninyong hindi kayo magyayabang at lilimot sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.” Hindi nila dapat iugnay ang yaman na ito sa kanilang sariling lakas o kakayahan. Kaya sinabi pa ni Moises, “Alalahanin ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ang Siyang nagbigay sa inyo ng kakayahang maging mayaman” (ᴅᴇᴜᴛᴇʀᴏɴᴏᴍɪᴏ 8:12–14, 17–18).
Ang lahat ng mabubuting bagay—kasama ang pisikal na kalusugan at ang iyong kabuhayan—ay mga biyaya mula sa kamay ng ating mapagmahal na Dios. Kahit na nagtrabaho tayo nang mabuti, Siya ang nagtutustos sa atin. Nawa maging bukas- palad din tayo sa mga pagpapalang ating natatanggap. Sa gayon, mapapapurihan natin ang Dios para sa Kanyang kabutihan sa atin.