Nag-asawang muli si Jen. Ngunit hindi siya tanggap ng mga anak ng bagong asawa niya. Nang mamatay ito, mas lalong nagalit sa kanya ang mga bata dahil sa bahay at perang iniwan ng asawa para sa kanya. Kaya naman, pinanghinaan ng loob si Jen at naging bitter (puno ng hinanakit) din siya.
Ganito rin naman ang nangyari kay Naomi nang bumalik siyang muli sa Betlehem nang walang kahit anong dala, maliban sa manugang na si Ruth. Nabigla ang buong bayan at nagtanong, “Si Naomi ba talaga ito?” (RUTH 1:19). Sinabi ni Naomi na huwag siyang tawagin sa pangalang iyon, kundi tawagin siyang “Mara” dahil “pinapait” ang ibig sabihin nito. Dagdag niya, “ako’y umalis ng punó, ako’y iniuwi ng Dios na walang dala” (TAL. 20-21 ᴀʙᴀʙ).
Naranasan mo na rin ba ang ganito? Ang mabigo ng iyong pamilya at kaibigan? O kaya panghinaan ng katawan? Marahil iniisip mong higit pa dito ang dapat mong matanggap. Kaya nagiging bitter ka.
Tularan natin si Naomi. Bumalik pa rin siya sa Betlehem kahit pa mayroong kapaitan sa kanyang buhay. Bumalik din tayo. Lumapit tayo kay Jesus, na galing sa angkan ni Ruth at na ipinanganak din sa Betlehem. Manatili tayo sa piling Niya. Pinalitan ng Dios ang lahat ng kapaitan ni Naomi ng kasiyahan nang matupad ang Kanyang plano (4:13-22). Kaya din ng Dios na palitan ang iyong mga kapaitan. Kaya lumapit at bumalik ka sa Kanya.
ANO ANG PANGALAN MO?

Basahin: RUTH 1:3–8,15–21 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: EXODUS 34-35; MATEO 22:23–46
Huwag nʼyo na akong tawaging Naomi, kundi tawagin ninyo akong Mara, dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko. - RUTH 1:20
Ama, nagbabalik na po ako upang mahanap ko ang kapahingahan sa piling ng Iyong Anak.
Anong pangalan ang naglalarawan sa iyo? Paano mo isinasabuhay ang pangalang naglalarawan sa kung sino ka kay Jesus?
Our Daily Bread Topics:
Pagkaing Espirituwal