Ipinanganak na may kakaibang kondisyon sa mata ang sanggol na si Leo. Kaya hindi pa niya nakikita ang kanyang mga magulang. Laging maulap ang paningin ni Leo. Dahil dito, binigyan ng doktor ng espesyal na salamin sa mata si Leo. Kinuhanan ng video ng ama ni Leo ang pagsusuot niya ng bagong salamin sa mata. Napanood namin ang pag-focus ng mga mata niya. Pati ang pagngiti niya nang makita ang kanyang ina sa unang pagkakataon. Nakakamangha. Nakakakita na nang malinaw si Leo.

Ibinahagi naman ni Juan ang pag-uusap ni Jesus at Kanyang mga alagad. Sinabi ni Felipe kay Jesus “ipakita Nʼyo po sa amin ang Ama” (JUAN 14:8). Sinabi niya ito sapagkat sa kabila ng panahong magkakasama sila, hindi pa rin nakikilala ng mga alagad kung sino ang nasa harapan nila. Sumagot Siya, “Hindi ka ba naniniwala na Ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa Akin?” (TAL. 10). Nauna na ring sinabi ni Jesus na, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay” (TAL. 6). Ito ang ikaanim sa pitong “Ako” na pahayag ni Jesus. Sinasabi Niya sa atin na gamitin natin bilang salamin ang mga “Ako” na pahayag ni Jesus upang makita natin ang Dios.

Para tayong mga alagad. Nanlalabo ang ating paningin sa mga panahong nahihirapan tayo. Hindi natin nakikita ang mga bagay na ginagawa ng Dios para sa atin. Baka tulad ni Leo, kailangan din nating isuot ang ating “salamin” upang makita natin kung sino talaga Siya.