Nag-aalinlangan ang manunulat na si Doris Kearns Goodwin nang isinulat niya ang A Team of Rivals: The Political Genius of Abraham Lincoln. Napakarami na kasing aklat ang nasulat patungkol kay Lincoln. Ano pa ang maaari niyang isulat tungkol sa kanya? Sa kabila ng kanyang pag-aalala, natapos niya ang aklat at kinilala pa ito ng marami.
Naharap naman sa ibang suliranin si Apostol Juan nang isulat niya ang tungkol sa kanyang pagbabahagi kay Jesus sa iba. Sinabi pa niya sa huling bahagi ng kanyang aklat, “Marami pang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung isusulat ang lahat ng ito, palagay koʼy hindi magkakasya sa buong mundo ang lahat ng aklat na maisusulat” (ᴊᴜᴀɴ 21:25).
Dahil dito, naisipan ni Juan na isulat na lamang ang ilang mga piling himalang ginawa ng Panginoong Jesus na nagpapatibay sa mga “Ako Nga” na kataga ni Jesus. Ngunit sa kabila ng lahat, ito ang nais niyang ibahagi: “ang nasa aklat na itoʼy isinulat upang sumampalataya kayo na si Jesus nga ang Cristo, ang Anak ng Dios. At kung sasampalataya kayo sa Kanya, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan” (ᴊᴜᴀɴ 20:31). Sa napakaraming pagpapatunay ng ginawa ni Jesus, nagbigay si Juan ng napakaraming dahilan para maniwala tayo sa Panginoong Jesus. Kanino mo maaaring ibahagi ang tungkol sa Kanya ngayon?