Naikuwento sa akin ng aking kaibigan kung paano siya nahihirapan at natatakot sa tuwing tumatawid siya sa intersection. Ito ang mga tawirang magkakasalubong. Sinabi pa niya, sa sobrang takot niya noon, nag-iintay pa siya ng mga sasakyang puwedeng magtawid sa kanya sa kabilang dako. Ngunit natutunan din naman niya kung paano tumawid.
Marahil kung gaano kahirap ang tumawid sa isang intersection, masasabing ganito rin kahirap ang pagharap natin sa ating mga pagsubok sa buhay. Katulad ng mang-aawit sa Salmo 118. Hindi man natin tiyak ang kanyang kalagayan noon, alam naman nating mahirap ito at kailangan talagang ipanalangin. Mababasa natin dito ang lubos niyang pagtitiwala sa Dios: “Sa aking kagipitan, dumulog ako sa Panginoon,...Kasama ko ang Panginoon, kaya hindi ako matatakot...Kasama ko ang Panginoon, siya ang tumutulong sa akin” (ᴛᴀʟ. 5-7).
Normal na makaramdam tayo ng takot, tulad kapag lumipat tayo ng trabaho, ng paaralan, o ng tirahan. Nakakaramdam din tayo ng takot o pagkabalisa kapag humihina ang ating pangangatawan, kapag nagbabago ang relasyon natin sa iba, o kaya kapag wala tayong pera. Ngunit hindi nangangahulugang kinalimutan na tayo ng Dios dahil sa mga pagsubok na ito. Kaya naman, kahit na nahihirapan tayo, ugaliin pa rin nating palaging manalangin sa Kanya.