Ayon sa pintor na si Armand Cabrera, para makuha at maipakita ang kagandahan ng sinag ng liwanag sa kanyang mga obra, “Hindi dapat mas maliwanag ang sinag kaysa sa liwanag na pinanggalingan nito.” Nakikita kasi niya itong ginagawa ng mga nagsisimula pa lang na mga pintor. Gayundin, “Ang sinag ay dapat nasa parteng madilim. Tinutulungan lamang nitong magliwanag ang parte ng obra para mas makita ito.”

Halos ganito rin ang sinabi sa Biblia tungkol kay Jesus, “ang nagbibigay-liwanag sa mga tao” (JUAN 1:4). Sinabi pa sa atin ng may akda ng Aklat na isinugo si Juan na Tagabautismo “upang magpatotoo kung sino ang ilaw, upang sa pamamagitan ng kanyang patotoo ay sumampalataya ang lahat ng tao. Hindi si Juan ang mismong ilaw, kundi naparito siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw” (TAL. 7-8).

Tulad ni Juan, pinili tayo ng Dios upang maging sinag ng liwanag ni Cristo para sa mga taong nasa dilim. Tungkulin nating tulungan ang mga taong hindi nagtitiwala sa Kanya sapagkat hindi nila kayang titigan ang liwanag na dala Niya.

Si Jesus “ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa lahat ng tao” (TAL. 9), at tayo ang Kanyang patunay. Sa ating pagtulad sa Kanya, makita at mamangha nawa ang mga tao sa Kanyang liwanag.