Habang nasa isang pagtitipon kami, nagbigay si Tamy sa bawat isa sa amin ng postcard na mayroong kanya-kanyang panalangin. Namangha ako sa isinulat niya para sa akin. Dahil dito, pinasalamatan ko ang Dios dahil sa lakas ng loob na ibinigay Niya sa pamamagitan ni Tamy. Ipinanalangin ko rin si Tamy. Sa tuwing napapagod ako sa mga gawain sa pagtitipon, inilalabas at binabasa ko ang postcard. Pinalalakas ng Dios ang aking espiritu at katawan sa tuwing binabasa ko ito.

Kinilala naman ni Apostol Pablo ang magandang naidudulot ng pananalangin para sa iba. Kaya naman, hinimok niya ang mga nagtitiwala sa Dios na maghanda laban sa “masasamang espiritu sa himpapawid” (ᴇꜰᴇꜱᴏ 6:12). Hinikayat niya ang lahat na ipagpatuloy ang pananalangin para sa iba. Hiniling rin ni Pablo na “Ipanalangin din ninyong ako’y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito, dahil ako’y isinugo, at ngayo’y nakabilanggo” (ᴛᴀʟ. 19-20 ᴍʙʙ).

Sa tuwing ipinapanalangin natin ang isa’t isa, pinapatnubayan at pinapalakas ng Banal na Espiritu ang ating ginagawa. Pinatutunayan Niyang kailangan natin Siya at ang isa’t-isa. Tinitiyak din ng Dios na naririnig Niya ang lahat ng ating panalangin at tinutugon Niya ito ayon sa Kanyang kagustuhan.