Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginamit ng matematikong si Abraham Wald ang kanyang talento sa pagbibilang. Tinulungan niya ang hukbo ng mga Amerikano sa paglutas kung paano mapoprotektahan mula sa pagkasunog ang kanilang mga eroplano. Nagsimula si Wald at ang kanyang mga kasamahan sa pag-aaral sa mga eroplanong nakabalik pa. Inaral nila kung anong parte ng sasakyan ang lubos na napipinsala. Ngunit pinuri si Wald dahil nakita niyang mas dapat aralin ang mga bumagsak na eroplano. Dito nila nakita kung alin ang dapat lagyan ng karagdagang proteksyon: ang pinakamahinang parte nito—ang makina.
Itinuro naman sa atin ni Haring Solomon na kailangan nating protektahan ang ating puso. Ito kasi ang pinakamahinang bahagi ng ating katawan. Inutusan din ni Solomon ang kanyang anak na palaging ingatan ang puso dahil dito nagmumula ang lahat (ᴋᴀᴡɪᴋᴀᴀɴ 4:23 ᴍʙʙ). Ang mga tagubilin ng Dios ang gumagabay sa atin, naglalayo sa atin mula sa mga maling pagpapasiya, at nagtuturo sa atin kung saan itutuon ang ating atensiyon.
Kung poprotektahan natin ang mga puso natin alinsunod sa tagubilin Niya, mabuting “humakbang [tayo] nang papalayo sa lahat ng kasamaan” at manatili tayo sa ating paglalakbay kasama ng Dios (ᴛᴀʟ. 27). Araw-araw tayong nakikipaglabanan sa kasamaan. Ngunit habang binabantayan ng karunungan ng Dios ang ating puso, maitutuon natin ang ating buhay sa ating misyon at mabibigyang kaluwalhatian ang Dios.