Sa panayam, inalala ng isang mang-aawit na nagtitiwala kay Cristo ang panahong sinabihan siya na “itigil na ang labis na pagsasalita tungkol kay Jesus.” Mas magiging sikat at mabilis daw kasi silang makakalikom ng pera upang makatulong sa mga mahihirap. Matapos niyang pag-isipan itong mabuti, nagpasiya siya, “Kaya ako umaawit ay para maibahagi ko ang pagtitiwala ko kay Cristo...Kaya hindi ako kailanman mananahimik.”

Mas higit naman dito ang naranasan ng mga apostol nang patigilin sila sa kanilang ginagawa. Ikinulong sila. Iniligtas naman sila ng isang anghel, at sinabihan silang ipagpatuloy ang pagbabahagi tungkol sa kanilang bagong buhay kay Cristo (ɢᴀᴡᴀ 5:19-20). Nang malaman naman ng pinunong pari ang pagtakas at patuloy na pagbabahagi ng mga apostol ng Magandang Balita, pinagsabihan sila ng ganito: “Hindi baʼt pinagbawalan na namin kayong mangaral tungkol kay Jesus?” (ᴛᴀʟ. 28).

Ganito naman ang naging tugon ng mga apostol, “Ang Dios ang dapat naming sundin, at hindi ang tao” (ᴛᴀʟ. 29). Dahil dito, ipinahagupit sila at “binalaan sila na huwag nang magturo pa tungkol kay Jesus” (ᴛᴀʟ. 40). Nagdiwang naman ang mga apostol dahil nagkaroon sila ng pagkakataon na magtiis alang-alang sa pangalan ni Jesus. “Araw-araw... patuloy ang kanilang pagtuturo at pangangaral ng Magandang Balita” (ᴛᴀʟ. 42) Tulungan nawa tayo ng Dios na gayahin ang kanilang halimbawa.