Sa mga huling araw ng buhay ng aking ama, dumaan sa kanyang silid si Rachel na isang nars. Nag-alok siya kung maaari niyang ahitan ito. Sinabi pa niya, “Nais kasi ng mga matatandang lalaki ang pagkakaroon ng maayos na pag-aahit sa kanilang mukha araw-araw.” Ginawa ito ni Rachel dahil nakita niya ang pangangailangan ng aking ama. Kumilos siya at nagpakita ng kanyang kabaitan, dignidad, at paggalang sa isang tao.

Mababasa naman natin sa Gawa 9 ang tungkol sa isang tagasunod ni Jesus na si Dorcas (kilala rin bilang Tabita). Nagpakita siya ng kanyang kabaitan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga damit sa mga mahihirap (ᴛᴀʟ. 36, 39). Kaya naman, noong namatay siya, napuno ang silid niya ng mga kaibigang umiiyak at nagda- dalamhati sa pagkawala ng isang mabuti at matulunging babae.

Ngunit hindi doon nagtapos ang kuwento ni Dorcas. Dahil nang magpunta si Pedro sa kinaroroonan ng kanyang bangkay, lumuhod ito at nanalangin. Sa kapangyarihan ng Panginoon, tinawag siya ni Pedro at sinabing, “Tabita, bumangon ka!” (ᴛᴀʟ. 40). Nakakamanghang iminulat ni Dorcas ang kanyang mga mata at tumayo. Mabilis namang kumalat ang balita ng muling pagkabuhay ni Dorcas. At “marami ang sumampalataya sa Panginoong Jesus” (ᴛᴀʟ. 42).