Nag-safari sa Kenya sina Andrew at kanyang pamilya. Di tulad sa zoo, nasaksihan nila sa safari ang mga hayop sa kanilang totoong tirahan sa kalikasan. Doon, nakita nilang dumayo ang maraming hayop sa isang maliit na lawang nagbibigay-buhay sa tuyong kalupaan. Habang pinagmamasdan iyon ni Andrew, naisip niyang ang “Biblia ay tulad ng isang bukal na pinagkukunan ng tubig.” Hindi lamang nagbibigay ng gabay at karunungan ang Biblia. Maaari rin itong pumawi ng uhaw ng sinuman.
Kahawig ang obserbasyong ito ni Andrew ng sinabi ng salmista. Tinawag niyang “mapalad” ang mga taong nalulugod at nagbubulay-bulay sa batas ng Dios—isang terminong ginamit sa Lumang Tipan upang ilarawan ang Kanyang mga aral at utos. Ang mga nagbubulay-bulay sa mga Kasulatan ay “tulad ng punongkahoy na itinanim sa tabi ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kapanahunan nito” (ꜱᴀʟᴍᴏ 1:3). Kung paanong nagpapakalalim sa lupa ang mga ugat ng puno upang hanapin ang tubig, gayundin ang mga taong tunay na nagtitiwala at nagmamahal sa Dios. Nag-uugat sila nang malalim sa Salita ng Dios upang makuha ang lakas na kanilang kailangan.
Kapag isinuko natin ang ating sarili sa Kanyang karunungan, mananatiling nakaugat sa Kanya ang ating pundasyon; hindi tayo magiging “tulad ng ipa na tinatangay ng hangin” (ᴛᴀʟ. 4). Sa pagninilay-nilay natin sa mga kaloob ng Dios sa Biblia, makakamtan natin ang nutrisyong magbubunga ng pangmatagalang mga bunga sa ating buhay.