Hindi nakukuntento ang balisang kaluluwa, anuman ang matamong yaman o tagumpay. Patunay dito ang isang yumaong sikat na mang-aawit. Halos apatnapung album niya ang pumasok sa top-ten charts ng Billboard para sa country music. Ngunit ilang beses siyang nag-asawa at nakulong sa bilangguan. Sa kabila ng mga tagumpay, minsan niyang sinabi: “Mayroon akong hindi matanggal na pagkabagabag sa aking kaluluwa. Hindi ito mawala sa akin kahit ilang beses akong magpalipat-lipat at ikasal. Mananatili ito sa akin hanggang sa araw ng aking kamatayan.”

Inaanyayahan naman ni Jesus ang lahat ng katulad ng musikerong ito. Sa mga napapagod nang magsumikap o kaya nama’y magpasan ng mga bunga ng kasalanan, sinabi ni Jesus, “Lumapit kayo sa Akin” (ᴍᴀᴛᴇᴏ 11:28). Kapag tinanggap natin ang kaligtasan mula kay Jesus, tatanggalin Niya ang ating mga pasanin at bibigyan tayo ng kapahingahan. Kailangan lamang na maniwala sa Kanya at matutong mabuhay ayon sa Kanyang itinuro, para sa masaganang buhay na Kanyang ibinibigay (ᴊᴜᴀɴ 10:10). Magdudulot ng “kapahingahan para sa ating mga kaluluwa” (ᴍᴀᴛᴇᴏ 11:29) ang pagtanggap sa aral ni Jesus.

Kapag lumapit tayo kay Jesus, hindi binabawasan ang ating pananagutan sa Dios. Sa halip, binibigyan Niya tayo ng kapayapaan sa ating mga nababalisang kaluluwa. Paano? Sa pamamagitan ng isang bagong paraan ng pamumuhay na mas magaan at puno ng kapahingahan sa Kanya: ibinibigay Niya sa atin ang tunay na kapahingahan.