Noong nag-aaral pa ako, nagmamaneho ako papunta sa eskuwelahan at maging pauwi. Napakalungkot ng daan pauwi sa aming bahay na nasa disyerto. Mahaba at tuwid ang daan, kaya ilang beses akong nakapagpatakbo nang napakabilis. Noong una, pinagsabihan lang ako ng pulis. Sumunod, nakatanggap na ako ng tiket. At di nagtagal, muli akong nasita sa parehong lugar.
Maaaring magdulot ng hindi kanais-nais na resulta ang pagtangging makinig. Isang malungkot na halimbawa nito si Josia, isang mabuting hari. Dumaan ang hari ng Egipto na si Neco sa teritoryo ng Juda para tulungan ang Assyria laban sa Babilonia. Nilabanan siya ni Josia. Kaya nagpadala si Neco ng mensahe kay Josia, “Sinabi ng Dios sa akin na bilisan ko ang paglusob. Kasama ko ang Dios, kaya huwag mo akong kalabanin” (2 ᴄʀᴏɴɪᴄᴀ 35:21). Totoong sinugo ng Dios si Neco, “ngunit hindi nagbago ng isip si Josia. Ipinasya niyang lumaban” (ᴛᴀʟ. 22). Nasugatan si Josia sa labanan. Kalaunan, namatay siya at “nagluksa para sa kanya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem” (ᴛᴀʟ. 24).
Natutunan ni Josia na hindi magdadala ng mabuting resulta ang pagpupumilit na sundin ang sariling kagustuhan. Lalo na kung hindi tayo makikinig sa Dios o sa karunungang ibinibigay Niya sa pamamagitan ng iba. Nawa’y pagkalooban tayo ng Dios ng kababaang-loob upang laging suriin ang ating mga sarili at isapuso ang Kanyang karunungan.