Kamakailan lang, nakita ko ang isang litrato ng iskultura ni Michelangelo na Moises. Makikita sa malapitan ang isang maliit na umbok ng kalamnan sa kanyang kanang bras. Extensor digiti minimi ang tawag sa kalamnang ito, at lumilitaw lang ito kapag itinaas ang maliit na daliri. Binigyang pansin ni Michelangelo ang maliit na detalyeng ito, kahit na halos hindi naman ito mapapansin ng karamihan. Pagtatangka niya ito upang ipakita ang mas malalim na bagay—ang kaluluwa, ang panloob na buhay ng tao. Subalit kahit gaano kahusay ni Michelangelo, hindi pa rin niya ito lubos na maipapahayag.
Tanging ang Dios ang nakakaalam ng pinakamalalim na bahagi ng puso ng tao. Gaano man tayo magmasid, anino lang ng katotohanan ang anumang nakikita natin sa isa’t isa. Ngunit hindi ito anino sa Dios. Sinabi ni Propeta Jeremias, “Kilala Mo ako, ᴘᴀɴɢɪɴᴏᴏɴ,” at “nakikita Mo ako” (ᴊᴇʀᴇᴍɪᴀꜱ 12:3). Malalim ang pagkakilala ng Dios sa atin, hindi pangkaisipan lamang. Hindi niya tayo tinitingnan mula sa malayo. Sa halip, tinitingnan Niya ang mga nakatagong bahagi ng ating pagkatao. Kilala ng Dios ang pinakamalalim na bahagi ng ating kalooban, kahit na ang mga bagay na hindi natin lubos na nauunawaan tungkol sa ating sarili.
Anuman ang ating mga pinagdaraanan o anuman ang nasa ating puso, nakikita ito ng Dios. Tunay Niya tayong nakikilala.