Nakita ni Sue ang unti-unting pagkawasak ng kanyang pamilya. Bigla siyang iniwan ng kanyang asawa, kaya litong-lito at puno siya ng galit. Nakiusap siya sa kanyang asawa na sumama sa counseling, ngunit tumanggi ito. Si Sue naman daw kasi ang may problema. Nang mapagtanto ni Sue na baka hindi na bumalik ang asawa niya, nakaramdam siya ng takot at kawalan ng pag-asa. Kaya ba niyang buhayin ang sarili at mga anak nang mag-isa?
Ganito rin naman ang naramdaman ni Hagar, ang alipin nina Abraham at Sara. Nainip sina Abraham at Sara sa pangako ng Dios na magbigyan ng anak. Ibinigay ni Sara si Hagar kay Abraham, at ipinanganak ni Hagar si Ishmael (ɢᴇɴᴇꜱɪꜱ 16:1–4, 15). Kinalaunan, tinupad ng Dios ang pangako Niya at ipinanganak ni Sara si Isaac. Nagkaroon ng tensiyon sa pamilya, kaya pinaalis ni Abraham si Hagar kasama si Ishmael. Binigyan niya lamang ito ng kaunting pagkain at tubig (ɢᴇɴᴇꜱɪꜱ 21:8–21). Isipin mo ang desperasyon ni Hagar habang nauubos na ang kanilang pagkain at tubig. Hindi alam ang gagawin, inilagay niya si Ishmael sa ilalim ng isang palumpong at lumayo para hindi makita ang anak na mamatay. Pareho silang nagsimulang umiyak. Ngunit “narinig ng Dios ang iyak ng bata” (ɢᴇɴᴇꜱɪꜱ 21:17). Narinig sila ng Dios, ibinigay ang kanilang mga pangangailangan, at hindi sila iniwan.
Sa mga panahon ng desperasyon, kapag pakiramdam natin ay nag-iisa lamang tayo, tumawag tayo sa Dios. Nakakagaan ng pakiramdam na malamang sa mga ganitong pagkakataon, at sa buong buhay natin, naririnig Niya tayo, tinutugunan Niya ang ating mga pangangailangan, at nananatiling malapit sa atin.