Bata pa lang si Raj nang magtiwala siya kay Jesus bilang Tagapagligtas. Ngunit makalipas ang ilang taon, unti- unti siyang nalayo sa Dios. Isang araw, nagpasya siyang ipanumbalik ang kanyang relasyon kay Jesus at bumalik sa simbahan. Ngunit pinagalitan siya ng isang babae dahil sa matagal niyang pagkawala. Nagdagdag iyon sa kanyang nararamdamang kahihiyan dahil sa mga taon ng pagkaligaw. “Wala na ba akong pag-asa?” naitanong niya sa sarili. Pero naalala niya kung paano pinatawad at pinanumbalik ni Cristo si Simon Pedro (ᴊᴜᴀɴ 21:15–17) kahit na itinatwa Siya nito (ʟᴜᴄᴀꜱ 22:34, 60–61).
Maaaring inasahan ni Pedro na parurusahan siya ni Jesus. Pero hindi. Tanging kapatawaran at pagtanggap ang ibinigay ni Jesus sa kanya. Hindi man lang binanggit ni Jesus ang pagtatatwa ni Pedro. Sa halip, binigyan siya ng pagkakataong muling ipahayag ang kanyang pagmamahal kay Cristo at alagaan ang mga tagasunod Niya (ᴊᴜᴀɴ 21:15–17). Natupad ang sinabi ni Jesus bago Siya itinanggi ni Pedro: “Kapag ikaw ay nagbalik-loob, palakasin mo ang iyong mga kapatid” (ʟᴜᴄᴀꜱ 22:32).
Humingi ng kapatawaran at pagpapanumbalik si Raj mula sa Dios. Ngayon, hindi lamang siya muling malapit kay Jesus kundi nagsisilbi rin sa simbahan at sumusuporta sa ibang mga mananampalataya. Gaano man kalayo ang ating nalakbay mula sa Dios, lagi Siyang handang patawarin tayo, tanggapin, at muling buuin upang mahalin, paglingkuran, at bigyang luwalhati Siya. Hindi tayo kailanman malayo sa Dios: bukas ang Kanyang mapagmahal na mga bisig.