Noong 2020, ipinagdiwang ang isang daang taon mula nang maipasa ang ika-19 na Susog sa Konstitusyon ng U.S. Nagbigay ito sa mga kababaihan ng karapatang bumoto. Mula sa mga lumang litrato, makikita ang mga nagmamartsang may dalang karatula. Nakasulat sa mga ito ang Salmo 68:11, “Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe, at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan.”

Sa Salmo 68 naman, inilarawan ni David ang Dios bilang Siyang nagpapalaya sa mga inaapi mula sa kanilang pagkabihag (ᴛᴀʟ. 6), at nagbibigay kasiglahan at muling nagpapalakas sa Kanyang pagod na bayan (ᴛᴀʟ. 9–10). Apatnapu’t dalawang beses inulit-ulit ni David ang pangalan ng Dios. Nagpapakita ito kung paanong lagi nilang kasama ang Dios. Kumikilos Siya upang iligtas sila mula sa kawalang-katarungan at pagdurusa. At isang makapangyarihang grupo ng mga babae ang nagtaguyod ng katotohanang ito (ᴛᴀʟ. 11).

Marahil hindi lubos na naunawaan ng mga kababaihang nagmartsa para sa karapatan sa pagboto ang lahat ng ipinahayag ng Salmo 68. Ngunit naipahayag ng kanilang mga karatula ang isang walang kupas na katotohanan. Ang Dios ang “ama ng mga ulila” at “tagapagtanggol ng mga balo” (ᴛᴀʟ. 5). Pinangungunahan Niya ang Kanyang bayan patungo sa mga lugar ng pagpapala, kasiglahan, at kagalakan.

Hindi lumiban ang pagsama ng Dios para sa Kanyang bayan, lalo na para sa mga mahihina at nagdurusa. Kung paanong totoo ito noon, patuloy na naririto sa atin ang pagsama ng Dios sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.