Tinawag ko itong “himala ng pagdapo ng berde.” Nangyayari ito tuwing tagsibol. Pagkatapos ng taglamig, maalikabok at kulay kayumanggi ang damo sa aming bakuran. Puwedeng isiping patay na ito. Bagama’t may niyebe sa mga bundok sa Colorado, tuyo ang klima sa kapatagan. Kaya kadalasan, maraming mga babala tungkol sa panahon ng tagtuyot. Pero bawat taon, sa katapusan ng Mayo, pinapagana ko ang mga sprinkler—uri ito ng pandilig na unti-unti ngunit tuloy-tuloy ang pagdaloy ng tubig. Matapos ang dalawang linggo, nagiging luntian at puno ng buhay ang dating tuyong damo.

Nagpapaalala ito sa akin kung gaano kahalaga ang pagpapalakas ng loob. Kung wala ito, maaaring magmukhang patay ang ating buhay at pananampalataya. Ngunit kamangha-mangha kung ano ang kayang gawin ng tuloy-tuloy na pagpapalakas ng loob sa ating mga puso, isipan, at kaluluwa. Binibigyang-diin ng unang liham ni Apostol Pablo sa mga Taga-Tesalonica ang katotohanang ito. Nahihirapan ang mga tao dahil sa pagkabahala at takot, at nakita ni Pablo na kailangan niyang palakasin ang kanilang pananampalataya. Hinimok niya sila upang ipagpatuloy ang kanilang mabuting gawain ng pagpapalakas sa isa’t isa (1 ᴛᴇꜱᴀʟᴏɴɪᴄᴀ 5:11). Alam niyang kung wala ang ganitong pagpapasigla, maaaring matuyo ang kanilang pananampalataya. Naranasan rin ito ni Pablo, sapagkat naging malaking suporta at kalakasan sa kanya ang mga taga-Tesalonica. Maaaari rin tayong magpalakas ng loob ng ating kapwa. Tulungan natin ang isa’t isa na umusbong at lumago.