Nang limang taong gulang si Bella, naospital siya dahil sa kanser. Naging bahagi ng kanyang pagpapagaling ang music therapy. Sa mahabang panahon, maraming tao na ang nakaranas ng magandang epekto ng musika sa kanilang damdamin. At kamakailan, naitala ng mga mananaliksik ng medisina ang mga benepisyo nito sa kalusugan. Ngayon, inirereseta na ang musika para sa mga pasyenteng may kanser tulad ni Bella, pati na rin sa mga dumaranas ng Parkinson’s disease, dementia, at trauma.

Humingi si Haring Saul ng lunas nang nakaramdam siya ng pagkalumbay. Musika ang naging lunas niya. Napansin ng kanyang mga tagapaglingkod ang kawalan niya ng kapayapaan at iminungkahi na maghanap sila ng maaaring tumugtog ng alpa para sa kanya (1 ꜱᴀᴍᴜᴇʟ 16:16). Isinugo nila si David, anak ni Jesse, at natuwa si Saul sa kanya (ᴛᴀʟ. 22). Tumugtog si David para kay Saul sa kanyang mga sandali ng pagkabalisa, at nagbigay ito kay Saul ng ginhawa.

Maaaring sa kasalukuyan lang natutuklasan ng mga siyentipiko ang alam na ng Dios tungkol sa epekto ng musika sa atin. Bilang Siyang may-akda at lumikha ng ating mga katawan at ng musika mismo, nagbigay Siya ng isang reseta para sa ating kalusugan. Kahit na wala tayong paraan upang makinig, maaari tayong umawit sa Dios sa gitna ng ating mga kagalakan at pagsubok, at gumawa ng ating sariling musika (ꜱᴀʟᴍᴏ 59:16; ɢᴀᴡᴀ 16:25).