Isinalaysay ng iskolar na si Kenneth E. Bailey ang tungkol sa pinuno ng isang bansa sa Africa. Sinikap ng pinunong ito na magkaroon ng maayos na relasyon sa bansang Israel at maging sa mga bansang nakapaligid dito. Nang tanungin kung paano nila napapanatili ang balanseng ito, sumagot siya, “Pumipili kami ng aming mga kaibigan. Pero hindi namin hinihikayat ang aming mga kaibigan na pumili ng aming kaaway.”
Matalino at talagang praktikal ang sagot na iyon. Hinihikayat naman ni Apostol Pablo ang kanyang mga mambabasa na isapamuhay ang ganoong klaseng relasyon. Sa kalagitnaan ng mahahabang paglalarawan ng mga katangian ng isang buhay na binago ni Cristo, sinabi ni Pablo, “Hanggaʼt maaari, mamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao” (ʀᴏᴍᴀ 12:18). Ipinaalala pa ni Pablo na pakitunguhan din nang maganda maging ang kanilang mga kaaway (ᴛᴀʟ. 20–21). Sumasalamin sa ating pagtitiwala at pagdepende sa Dios ang pakikitungo natin sa iba.
Maaaring imposibleng magkaroon tayo ng mapayapang pakikitungo sa lahat ng tao at sa lahat ng pagkakataon. Ngunit responsibilidad natin bilang mga nagtitiwala kay Jesus na hayaan ang Kanyang karunungang gumabay sa ating pamumuhay (ꜱᴀɴᴛɪᴀɢᴏ 3:17–18). Sa gayon, magawa nating makisalamuha sa mga tao sa paligid natin bilang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan (ᴍᴀᴛᴇᴏ 5:9). Hindi ba’t iyon ang mainam na paraan upang parangalan ang Prinsipe ng Kapayapaan?