Hindi ko naiwasang mapaluha sa ibinalita ng kaibigan kong si Ira sa kanyang social media. Ipinost ito noong 2022, ilang araw matapos niyang lisanin ang kanilang tahanan sa Kyiv, ang kinubkob na kabisera ng Ukraine. Sinabi niya, “Tumatakbo tayong lahat sa isang maraton na tinatawag na buhay. Takbuhin natin ito nang mas mahusay, nang may dala sa ating mga puso na hindi namamatay.” Sa mga sumunod na araw, nakita ko kung paano patuloy na tinatakbo ng kaibigan ko ang laban ng buhay. Patuloy niya rin kaming binalitaan kung paano maipagdarasal at susuportahan ang mga naghihirap sa kanilang bansa.
Nagbigay ng bagong kahulugan ang mga salita ni Ira sa tawag sa Hebreo 12 para sa mga mananampalatayang “tumakbo nang may pagtitiis” (ᴛᴀʟ. 1). Kasunod iyon ng makabagbag-damdaming kuwento ng mga bayani ng pananampalataya sa kabanata 11. Sila ang “dakilang ulap ng mga saksi” (12:1) na namuhay nang may matapang at matiyagang pananampalataya kahit sa gitna ng panganib (11:33–38). Kahit “hindi nila natanggap ang mga pangako ng Dios noong nabubuhay pa sila” (ᴛᴀʟ. 13), namuhay sila para sa isang bagay na walang hanggan at hindi kailanman mamamatay.
Tinatawag ang lahat ng nagtitiwala kay Jesus na mamuhay sa parehong paraan. Nararapat na ibigay natin ang ating lahat para matamasa ang kasaganaan at kapayapaang iniaalok ng kaharian ng Dios. Ang halimbawa ni Cristo at ang Kanyang kapangyarihan ang nagpapanatili sa atin (12:2-3).